Ikasampung try ko na 'to ng pagsusulat dito. Kaladkarin na kasi yung laptop namin (tinatapatan na nga namin 'to ng electric fan!), kaya bigla-bigla na lang nago-auto off. Galing, panira ng excitement...
Hmm, napansin ng isang matalik kong kaibigan na mali ang pagkaka-spell ko ng "busy" dito. "Buisy" kasi yung pagkaka-spell ko, ahehe, wala talaga akong kakayahan pagdating sa spelling. Kung algebra lang siguro ang gamit sa pagi-spell, siguro may mabubuga pa ako.
Tahimik ang paligid. Hindi ko maintindihan kung bakit malakas ang tibok ng puso ko, pero hindi naman ako kinakabahan. Nakikiramdam lang ako sa loob ng kwarto. Patagong nakikinig sa mga pinag-uusapan ng palaka-lakang nagpapakilala sa katabi. Para akong bulag na nangangapa sa maghapong dilim. Sa umpisa ng klase, isa lang ang naging polisiya ko--ang hindi umusap kung hindi kinakausap. Pero, bago pa man matapos ang araw na 'yon sa eskwela, nagawa ko na 'tong suwayin, ahehe. Masarap kasing kasama ang mga kaklase ko. Naramdaman kong hindi ako malulungkot sa paligid ng mga taong iyon.
Pero, syempre, hindi ko 'yon mararamdaman kung hindi ko piniling maramdaman 'yon. Kumbaga sa paggagawa ng isang collage, dapat hindi isama ang nasa paligid ng dapat mong isama. Kasi, kung hindi mo tatanggalin ang hindi magandang isama, magiging pangit ang proyekto mo (alam ko 'yon kasi laging gano'n ang nagiging itsura ng collage ko 'pag natapos na ako). At syempre, dapat pulido rin ang pagkakagupit mo, hindi 'yung nadadamay 'yung mukha ng artista, o gulong ng kotse, o monitor ng laptop. Ganyan ang buhay kolehiyo-- dapat pinipili mo nang maayos ang pahahalagahan mong alaala, at depende sa mapipili mong aalalahanin ang tagumpay na mararating mo. Maswerte nga tayong nagkokolehiyo. Kahit nakakapraning ang ideyang may apat o limang taon ka ulit na gagastusing panahon sa gawain ng paggugupit at pagdidikit, hindi na masama ang mahabang oras na ito sa paggagawa ng isang magandang obra. At ang obrang iyon ay ang propesyonal mong personalidad na hindi mababago at magigiba ng kung sino lang.
Ok. Siguro tatapusin ko na rito 'yung pagsusulat ko, kasi baka mamatay pa 'tong laptop at mabura NA NAMAN ang nasulat ko na, ahehe.
No comments:
Post a Comment