Monday, April 30, 2012

Langit at Impyerno

"Noong magkasama pa tayo, langit ang tingin ko sa mundo,
        pero noong iniwan mo ako, bigla itong naging impyerno..."

Mga salitang madalas nang marinig
Sa bibig ng mga kabataang umibig.
Pag-ibig na isang segundo lang nawaglit,
Tuluyan nang natunaw at napatid.

Ang isipan ng kabataan, mababa masyado.
Ang tingin sa pag-ibig ay malaking tuso.
At talaga nga namang pinapatunayan pa nila ito,
Dahil sa pagdawit sa langit at impyerno.

Kabataang umiibig, bumababa nga ba ang talino?
Simpleng sakit sa puso, inihahalintulad sa impyerno.
Kaunti namang kasiyahan kasama ang iniirog,
Langit na nga ang kanilang bantog.

Halata sa kabataan, mababa ang tingin
Sa impyernong may malalim na bangin.
At ang tingin sa langit, madaling abutin.
Pwes, nagkakamali sila! Ang mata ata'y duling!

Kitang kita sa kabataan na wala pa silang nalalaman.
Ang tingin sa impyerno'y isang simpleng lugar lamang.
Lugar na kung saan na nasa isip ay wala lang
Pero, nakakatakot, baka ito ang kahantungan.

Ang impyerno'y 'di lang kasing simple ng nasa isip,
Kung saan ay may apoy at pwede kang sumipsip.
Ito'y isang lugar kung saan ika'y masasama
Kung hindi mo gagawin ang sa Diyos ay tama.

Mapapansin sa kabataan, ang pagpunta sa impyerno'y ayos lang.
Wala lang sa kanila dahil sa lupa'y nasaktan.
Sakit na akala nila'y masahol sa lahat,
Pwes, mali sila! Dahil sa impyerno'y may mangangagat!

Sa bawat kaluluwang sa impyerno'y malalagak,
May isang uod na sa kanila'y kakagat.
Uod na mistulang konsensya ng nalagak,
Na kung kumagat, ikaw ay mapapaiyak.

Napakadali lang para sa kabataan
Ang langit ay marating at ito'y mahawakan,
Na kung sila man ay magpakamatay,
Patatawarin sila ng Diyos at sa malambot na kama sila ihihimlay.

Kung ganito ang iniisip, sila'y nakasipsip
Ng maling ugali at maruming tubig,
Na sa kanila'y magpapapahamak,
At doon sa impyerno sila malalagak.

Ang pagpunta sa langit ay hindi isang mahika
Na kung matapos pumikit, Diyos na ang makikita.
Ang pagpunta sa langit ay hindi isang nagtitinda
Na kung tawagin mo'y sa'yo'y lalapit na.

Simple lang naman, sa langit ay makapunta.
Mahirap lang talga ang prosesong makikita
Na kung 'di mo man lamang mapagdadaanan,
Sa makipot na daanan, hindi mo makakayanan.

Ang pagpunta sa langit ay 'di mo mababayaran,
Ng bawal na gamot, pera o katawan.
Ang pagpunta sa langit  ay libre lang;
Ibinigay ang pagkakataon, kahit sa mangmang

Hindi madali ang pagpunta sa langit,
Kung ang puso ay nagtataglay ng galit,
Masikip ang pintuan,  makipot ang daanan,
Kaya kung kaluluwa'y malinis, ito'y iyong makakayanan.

Simple lang naman ang pagpunta sa langit.
Ang paraan lang naman, sa kautusan ay maakit.
Maakit ka sa pagsunod sa Kaniya,
Tiyak na sa langit, ika'y mapupunta.

'Wag kang susumpa kung masaktan man,
ang kasiyaha'y 'wag naman sana sa laman.
Dahil magwawakas ang mga makamundong bagay,
Kahit pa ang sakit na dulot ng pagkamatay.

Monday, April 9, 2012

Si Patchi

Kasing liwanag ng mga papitik-pitik na ilaw na galing sa hawak na kung ano ng mga nakapaligid sa akin ang kislap ng mata ng boss ko. Hindi ko alam kung bakit, pero tuwang-tuwa sila sa pagtalun-talon at pag-ikut-ikot ko kasabay ng kumpas ng hintuturo ng boss ko. Lalo pa silang natutuwa 'pag nilalabas ko sa gilid ng bibig ko ang dila ko, o hindi ko talaga alam kung natutuwa sila d'on o dahil ang suot ko lang ay isang maliit na sombrelong pinapakinang ng tinagping disenyo na tinahi ng boss ko. Pero wala akong pakialam sa kanila bukod sa boss ko. Nakita kong iniunat na ng boss ko ang kanyang mga bisig, at alam ko ang senyales na 'yon ay nangangahulugang masaya na sa pinakita kong talento ang boss ko. Dali akong tumigil sa gingawa ko para tumalon sa bisig ng boss ko. Niyakap ako ng boss ko. Masarap sa pakiramdam ang yakap ng boss ko. Masaya na ako dahil alam kong masaya na ang boss ko.

Ako si Patchi dahil 'yun ang tinawag sa'kin ng boss ko. Nakasanayan ko na rin ang tawag na 'yon dahil 'yon ang pinangalan sa'kin ng boss ko nang ampunin ako ng boss ko. Malaki ang pasasalamat ko sa boss ko dahil, kahit pa mismong ako ay nasusuka na sa amoy ko, dinampot pa rin ako, pinakain, at pinaliguan ng boss ko.

Pagkatapos magtanghal, binigyan kami ng nakapaligid sa'min ng ilang makukulay na papel at ilang bilog na makikinang at agad itong kinuha ng boss ko. Pagkatapos magligpit at tanggalin ng boss ko ang sombrelong naksuot sa'kin, umuwi na kami ng boss ko. Tumigil muna kami sa isang tindahan ng pagkaing nadaanan namin ng boss ko. N'ong binuksan ng boss ko ang isang malaking kaserola, agad na nanuot sa ilong ko ang amoy at agad akong nagutom. Binuksan pa ng boss ko ang isa, at mabango na naman ang amoy. At isa pa. At isa pa. Ilang sandali lang, tinuro na ng boss ko nang nakangiti ang pangatlong kaserolang binuksan ng boss ko. Ilang sandali pa, iniabot na ng isang brasong payat at kulubot ang isang supot na kulay abo, kapalit ng isang papel na may kulay langit. Tinanggap ng boss ko ang supot, at matapos kaming bigyan ng brasong payat at kulubot ng ilang papel na may ibang kulay at ilang bilog, lumakad na kami pauwi ng boss ko.

Napadaan kami sa isang eskenitang nagbigay sa'kin ng kakaibang pakiramdam. Takot? Pangamba? May nakaambang trahedya? Hindi ko alam. Ilang sandali pa ang lumipas, na parang sobrang tagal na panahon, pinapakiramdaman ko ang bawat galaw sa paligid na pawang sumisikip sa bawat hakbang namin. Nakalagpas kami sa eskenita nang walang nangyayaring masama. Nakahinga ako nang maluwag para lang pala malaman ang dahilan ng pangamba ko. Isang grupo ng goons ang nakatambay sa tapat ng labasan ng eskenita. Umangat ang isang ulo sa pagkakahiga. Na nasundan pa nang isa. At ng iba pa. Tumayo sila mula sa kinasasalampakan nilang sidewalk. At lumapit sila sa'min. Walang kibo ang boss ko. Hindi rin ako kumibo, pero hindi ko tinanggal ang tingin ko sa kanila. Kinilatis nila kami, at umamba-amba sa'kin, pero nagpatuloy pa rin sa paglalakad ang boss ko. Nagpatuloy lang din ako. Hanggang sa nakalayo na kami. Sinigawan kami nung isa, na nasundan pa ng iba. Pero bumalik  na lang sila sa pagkakahiga sa pwesto nila kanina. Tinignan ko ang mukha ng boss ko. Walang pagbabago sa mukha ng boss ko.

Magdidilim na nang nakauwi kami sa bahayn ng boss ko. Agad akong pumasok nang buksan ng boss ko ang pintuan ng bahay ng boss ko. Mula sa dilim ay nakita kong ang pagkain namin ay pinatong muna ng boss ko sa lamesa.  Ang ilawan namin gabi-gabi ay sinidihan ng boss ko. Pagkatapos makakuha ng gagamitin sa pagkain, umupo na ang boss ko. Hindi ko na nakita ang nangyari, pero ang supot yata'y tinastas ng boss ko. Naamoy ko na lang ang kinakain ng boss ko. Maasim. Mabango. Nakakagutom. 'Yun na ang pinakamasarap na ulam na naamoy ko sa panahong itinigil ko sa bahay ng boss ko. Pinatong ko ang baba ko sa hita ng boss ko. Sinilip ko ang boss ko. Tinitigan ko ang labi ng boss kong basa sa kinakain ng boss ko. Tinitigan ko rin ang butong sinipsip at nginata ng boss ko. Napatingin sa'kin ang boss ko habang nasa labi ng boss ko ang buto. Napatingin ako sa kinakain ng boss ko. Itinaas ko ang aking tenga at kinawag ang buntot. At muling tumingin sa boss ko. Nakatingin pa rin ang boss ko sa'kin. At muli akong tumingin sa buto. Tinignan ko ulit ang boss ko--hindi na nakatingin sa'kin ang boss ko. Ilang sandali lang, tumayo na ang boss ko at kinuha ang pinggan ko sa sahig. Nilagay ng boss ko ang pagkain ko sa pinggan ko, at kasama pa ang ilang buto sa kinain ko. Hinimas ako ng boss ko sa ulo bago ulamis at iwan akong kumakain. Ang sarap ng pagkain. Ito na ang paborito kong pagkain. Sana gan'to na lang lagi ang mabiling ulam ng boss ko. Ilang sandali pa, 'yung buto na lang 'yung natira kaya nginata ko na nito hanggang sa mapagod ako. 

N'ong mapagod na ako, pumunta ako sa tabi ng higaan ng boss ko. Tulog na ang boss ko. Humiga ako ng nakaharap sa boss ko. Nagnilay-nilay muna ako bago matulog. Naging ugali ko na ang gan'to. Nag-iisip ako gabi-gabi ng magpapagalaw sa'kin para mapasaya ang boss ko kinabukasan. Ayaw kong mapalayas ulit dahil sa katamaran ko. Hindi ko kakayanin sa lansangan. Natutunan ko ang dalawang pinakamakapangyarihang kapangyarihan ng boss ko--una, ang hintuturo, na maski ang isang brasong payat at kulubot ay nauutusan ng boss ko; pangalawa, ang papel na may kulay, na maipagpapalit sa pinakamasarap na pagkain sa mundo at ilang papel na may ibang kulay at mga bilog. Tinatamad na akong magtanghal. Paulit-ulit--ulit-ulit-ulit na lang lagi ang gingawa ko. Tumatalon at umiikot. Ang pinagkaiba lang ay 'yung lugar na pinagdadausan ng pagtatanghal ko. Sana makita ko ulit s'ya, ang ganda talaga n'ya. Pero hindi dapat ako tamarin. Ang kati ng ulo ko. Kamot. Kamot. Kamot. Weeew, sarap magkamot. Hindi ako tatamarin dahil 'yun ang pinagdesisyonan ko. Dahil 'yun ako. Hindi na ako tamad. Oo, tinatamad ako, pero hindi naman kasi ako ang binubulong sa'kin ng katawan ko, kun' 'di ang sinasabi ng utak ko kung ano ba talaga at sino ako. Oo. Tama. Hindi ako ang dinidikta ng laman ko. Ako 'yung kung sino mang mapagpasyahan kong maging ako. At napagpasyahan kong himuran sa mukha ang boss ko para gisingin s'ya, at magtangahal ulit, at matulog kasama s'ya. Buto. Buto. Buto...