Saturday, December 25, 2010

Ang Pasko sa Puso ng bawat Pilipino

Kung pamilyar sa 'yo 'yang pamagat na 'yan, malaki ang tsansang kaklase kita. Pamagat kasi 'yan ng isa sa mga informal theme namin sa Filipino. Nakakuha ako ng inspirasyon sa pagsulat tungkol sa mga tradisyon at paniniwalang tabingi ng mga Pilipino tungkol sa Pasko. Syempre, hindi ko babaguhin 'yong naisulat ko na sa papel. Dadagdagan ko lang kasi kulang 'yong oras ko n'on para isulat lahat ng nasa isip ko.

(heto ang essay ko sa Filipino, edited version!)

May mga taong kahit gaano kaputi ang isang papel, kapag nakakita ng isang tuldok o maliit na mantsa na nakakapit dito, 'yong dumi na ang nakikita. Isa ako sa mga taong 'yon. Kaya kahit gaano "kaganda" ang paggunita na 'tin sa Pasko, hindi ko pa rin maiwasang makapansin ng ilang baluktot na paniniwala ng karamaihan sa 'tin tungkol dito.

Tuwing pasko, lagi ko na lang naririnig (maski sa kanta) ang "tatlong hari". Lilinawin ko lang, "magi" ang bumisita kay Jesus para magbigay ng handog, hindi "kings". Kung magkaparehas man 'yon, pakisabi sa 'kin, o mananatili akong naniniwala na hindi tatlong hari ang bumisita kay Jesus. Weee, magka-iba ang matatalino sa mga hari!

Ang sabi ng pastor namin sa 'min, bumisita raw ang mga pantas kay Jesus hindi pagkatapos S'yang ipanganak. Magdadalawang taong gulang na raw si Jesus n'on. Kasi, ang alam ko, n'ong panahon na bumisita ang mga pantas para magbigay papuri sa Kanya, ipinag-utos ng kasalukuyang hari (King Herod) sa lugar nila na ipapatay ang lahat ng bata sa kanila 2 years old and below (Matthew 2:13-16). Kung mapapatunayan n'yong mali ako sa napakinggan ko, pakisabi sa 'kin.

Isa pa sa mga maling paniniwala ng mga Pinoy sa Pasko e ay ang paniniwalang may "Santa Claus". Oo, mayroong St. Nicolas na nabuhay, pero sa rami ng pagkakaiba niya kay "Santa Claus", parang ibang tao na ang nakapaloob sa pangalang ito. Epekto na rin siguro ng mga Kanluraning bansa. Nakakatakot na ang mga tao. 'Pag sinsabi mo kasing "Christmas", ang isasagot ng mga bata sa 'yo, "Santa Claus!". Wew, hindi s'ya ang dahilan kung bakit may Christmas. Hindi s'ya ang ipinanganak para ipako sa krus. Hindi s'ya ang dahilan kung bakit hindi tayo napagbuntungan ng mga sumpa ng Diyos. Hindi s'ya. Nilalapastangan ng mga tao si Jesus sa pamamagitan ng pagsamba sa matabang nakapula na nakatira sa North Pole.

Pero hindi 'yan ang nagpapakulo sa dugo ko tuwing Pasko. Hindi ang "tatlong hari" at ang "Santa Claus", kun' 'di ang mga tao mismo. Dahil tungkol naman 'to sa Pinoy Christmas, hindi na ako lalayo sa kalsada namin.

Ang Pasko raw ay isang araw ng pagbibigayan, pero kung may namimigay, syempre may mga tatanggap. Nasa dugo lang talaga siguro ng mga pinoy ang pagiging opportunist, kaya napili nilang maging "nakakatanggap" kaysa sa "nagbibigay". Hindi ko na sana isusulat dito ang himutok ko sa mga maling tradisyong nakita ko sa pagdiriwang ng mga pinoy sa Pasko. Kung hindi lang sana nagsulputan mula sa kung saang dimensyon ang mga taong pinilling maging tamad at magtiwala sa "pamasko" na mahihingi nila sa hindi nila kakilala. Syempre, hindi na sapat ngayon ang simpleng "namamasko po" para makakita ng pera. Sadyang matatalino ang mga pinoy, kaya nakagawa na sila ng mga style para makabuo ng isang nakakaawang itsura. Nakwento lang sa 'kin ng ilan kong kaibigan, heto ang dalawa:

(1)May isang nanay na may kargang bata. Dapat, may umaagos na uhog ang bata, at dapat umiiyak para kunyari, "hindi pa po kami kumakain". Nakakaawa talaga sila. Matsetsempuhan mo pang kinukurot ang kawawang bata at pinandidilatan ng nanay n'ya para umiyak. ASTIG.

(2)Ang unang kakatok sa bahay n'yo ay isang bata, mga 4-6 years old. Kailangan din siguro ng uhog para may special effect, dagdag kaawa-awa factor. 'Pag nabigyan mo na, aalis ito. Ilang saglit ang lilipas, isang bata ulit ang kakatok, mga 9-11 years old naman. Hihingi ito, at aalis kapag nabigyan mo na. Ilang saglit lang, isang nanay naman ang kakatok sa inyo. Minsan may kargang bata, minsan wala. 'Pag nabigyan mo na 'to, aalis ito. Pagkalipas ng ilang saglit, isang tatay naman na ka-holding hands ang isang inosenteng musmos na nakasubo ang daliri at parang hindi naliligo ang kakatok sa bahay n'yo. 'Pag nabigyan mo na 'to at umalis, mari-realze mo na magkakahawig ang sunud-sunod na kumatok sa bahay n'yo para manlimos, este mamasko. Minsan, gugustuhin mo na lang na isiping sadya lang na magkakamukha sila, para hindi mo maisip na nautakan ka ng isang pamilya at maiinis. Astig, ano? Minsan gusto kong humanga sa kanila, kaso mas naiinis ako.

Sadyang matatalino ang mga pinoy, kaso nga lang, sa maling paraan ito nagagamit. Haay, tinatanong ko sa sarili ko kung may  Pasko ba talaga (minsan, kung may puso pa ba) ang mga Pilipino. Haay, bahala na sila.

Thursday, December 23, 2010

Bakit ba gan'on si mama?


***

"Hindi kita anak!"




Lagi na lang...

WALA NA BA AKONG KARAPATANG MAGING MABUTING ANAK?!

GINAWA KO NA 'NG LAHAT PARA MAGING MABUTI SA PANINGIN N'YO!!!

KASALANAN KO BA KUNG HINDI AKO KASING TALINO NI ATE?!

KASALANAN KO BA KUNG HINDI AKO KASING GALING NI KUYA?!

KASALANAN KO BA KUNG MAY SAKIT NA HINDI MAWARIAN SI EUGBERT?!



LINTIK NA PAMILYA 'TO!

***

Wew, magtatanghali na pala. Hindi ko na nagawa yung trabaho ko dito tuwing umaga: ang pakainin si Eugbert. Ano kayang tawag sa sakit nitong batang 'to? Ayaw sabihin sa 'kin nila mama kung bakit ganyan s'ya, o kung tao ba 'to. Nakakahawa kaya sakit nito? Sana nga, para man lang 'pag nahawa ako, alagaan nila ako. Pero, ayoko namang may kung anu-anong tumutulo sa ilong at tenga ko. Kadiri kaya.

Magtatanghali na. Sino kayang nagpakain sa batang 'yon? At himala, hindi pa nila ako ginagambala para magpatae kay Nguso. Walangyang aso 'yan, nanira na naman ng notebook, yung Math pa! Teka, tignan ko muna kung iniwan na nila ako para mamuhay ng mag-isa.

***

Tapos na 'kong maglaba. Bago 'yon, pinaghugas muna ako ng pinggan, pinagwalis, pinaglinis, pinabili ng gamot ng mamamatay ko nang lolo, at pinakain si Eugbert. Hindi pa pala ako ligtas. Talagang hinintay nila na ako ang magpakain sa batang 'yon. Haay. Pakiramdam ko, kung wala ako sa bahay na 'to, magiging busabos ang ambiance dito e. Wew, busabos at ambiance. May natututunan pala ako sa school.

Nakakatamad nang magsulat. Hindi ko alam kung bakit pinagtyatyagaan ko 'to. Dahil kaya kailangan ko ng matinong kausap at ang nakita kong makakinitindi sa 'kin ay sarili ko? Wala na nga akong pamilya, wala pa kong mga kaibigan. Haay, ang ganda ng buhay!

***

Paglaki ko, gusto kong makatapak sa buwan! 'Yun na lang ata nagpapasaya sa 'kin. Pakiramdam ko, laging nakatingin sa 'kin 'yon at nagbabantay. Ano ba 'yan! Kahol nang kahol na naman si Nguso. Nakakainis na mga nangangaroling 'yan. Oportonista mga lintik. Ewan ko ba. Ano bang maganda sa pangangaroling? Tsk, porke't wala akong karanasan sa mga ganyan...kainis.

Ang lungkot pala ng buhay ko. Ahehehe, parang hindi ko alam e 'no? Ahahaha, tawa na lang.

***

Sumasakit na naman ulo ko. Hindi pala talaga ako kabilang sa pamilyang 'yon. Kaya pala kung murahin ako d'on e parang hindi nila ako kapamilya. Hindi pala talaga. Sakit sa ilong ng pag-iyak. Ano ba 'yan, sa lahat ata ng lalaki, ako pinakamadalas umiyak. Pero, siguro kung sila nasa kalagayan ko, magbibigti sila. Ahahaha, matibay pala ako. Sanay lang talaga ata.

Lintik na lolo 'yan, pinagmumumura na naman ako. Kinupit ko raw 'yung lintik n'yang sukli at mali pa raw ang nabili kong lintik na gamot para sa lintik n'yang sakit. Pinamukha na naman n'ya na sampid lang ako sa pamilyang  'to. Hindi ko naman hiniling na tanggapin nila ako. Gusto kong makita 'yong walang kwenta kong mga magulang. Baka sakaling magkaroon ng kulay ang buhay ko sa mundo.
  
***

Hmm, natahamik ata ang bahay. Syempre, wala na ako sa loob! Ahehe. Kala siguro nila, hindi ko kayang gawin ang mga ginawa ko kanina. Haay, pero pinalayas na nila ako. Ahehehe, tawa na lang. Nakapag-iwan ako ng sulat sa taas nung tv nila. Minura ko silang lahat!!! AHAHAHA!!! Ang baho dito sa inuupuan ko. Kaamoy ni Eugbert. 

Pero, natakot ako kanina. Hindi ko pa nakikitang gan'ong magalit si papa, ay, tito pala. S'ya pa nagpalayas sa 'kin. Nagulat ako, akala ko kasi si mama o si lolo magpapalayas sa 'kin. Ano ba 'yan, naalala ko na naman 'yung mukha ni mama. Nakakatawa. Nakakinis.

***

Nag-umpisa lahat n'ong pinagngudnguran sa 'kin ng maanyo kong mama sa 'kin na hindi n'ya ako anak at wala s'yang anak na pang ibang planeta ang ugali. Pero, may anak naman s'yang taga-ibang planeta talaga. Ahaha. Kala ko, expression lang n'ya talaga na sabihing hindi n'ya ako anak. Totoo na pala. Tsk. Bakit hindi nila sinabi sa 'kin kagad? Kaya pala gan'on na lang ang turing ni mama sa 'kin. Ang lamig. Napakalamig. Mamatay na sana s'ya.

***

Nagising ako kanina na iba na ang nasa paligid ko. Marumi, pero hindi na masyadong mabaho. May kumuha pala sa 'kin sa lansangan. Ahehehe, may mababait pa pala sa mundo. Bakit ba hindi ko sila kagad nakilala?

***

Unang beses akong magpapasko. Hindi kasi ako nagpapasko sa amin.  Sino ba namang gaganahang kumain kung aalilain ka muna bago ka makatikim ng medyo masarap na ulam? Kainis sila. Haay, buti pa dito. Kahit sindikato at pinaglilimos ka sa kalye para may kita sila, pinapakain naman kami ng matino. Ang sarap pala ng sardinas.

***

Grabe sila. Ayoko na dito. Mas gusto kong inaalila kesa pinapaso. Aray!! Masakit pa rin. Para akong may frat.

***

Ibang klase tao dito. Lalo na yung matabang yon! Nakakainis, ang hapdi pa rin nung paso sakin. Sana hindi na dumating yung kahapon. Tsk, may kinuha na naman samin. San ba sila dinadala? kailan kaya nila ako kukunin?

***

Napasubo na. Nakapatay ako ng isa sa kanila. Hindi ko sinasadya. Sinasaktan nila mga kaibigan ko dito. May dugo pa rin sa mga kuko ko. Anong ginawa ko?

***

Lalalalala. Ang ganda ng bwan,,

***

***

***

Tuesday, December 21, 2010

Headbang

Marami ang naiirita 'pag nakikinig ako ng metal sa cellphone ko ('yong nasira). Ewan ko ba. Pati tatay ko, naiirita 'pag nakikinig ako ng metal. Uhm, nga pala, ang metal na sinasabi ko e 'yong mga music na, ika nga, pambaragan ng boses at tenga, at sinasabi pang parang alay sa demonyo (kaya siguro ayaw ng marami sa  mga kakilala ko ang gant'ong uri ng musika). Sabi pa nga ng tatay ko, 'pag naririnig n'ya 'yong mga kantang metal na pinapakinggan ko, ang nabi-visualize n'ya e mga taong naghahampasan ng bangko. Isang beses n'ya lang ata ako pinayagang makinig ng gan'on ('yong pinaglinis n'ya ako ng bahay!!!).

Hindi ko alam ang epekto sa iba, pero para sa 'kin, neutralizer ng mood ko ang mga metal music, lalo na 'pag tungkol sa puso ko ang problema. 'Pag ang lungkot ko, o pagkabadtrip, o pagkahinayang, o 'yong pakiramdam na parang walang laman 'yong dibdib ko, o 'yong mga dissapointments sa buhay ko na hindi ko kayang i-rearrange, metal ang balikat na sinasandalan ko. Magpapaka-emo ako sa kwarto kong walang pintuan, ta's maglalasing sa musika. Iaalog ko lang ang ulo ko hanggang malaglag ang lungkot sa utak ko, kaya minsan pagkagising ko kinabukasan e inaalog ko pa rin ang ulo ko. Masayahin akong tao...naaawa ako sa sairli ko 'pag nalulungkot ako. Buti na lang may mga metal band na aksidenteng umaalalay sa batang katulad ko na kailangan ng matinong kausap.

Ayaw kong mawala...

Ang pangit ng cellphone ko ngayon...buntis ang likod. Lumobo na ang battery kasi ginagamit ko kahit naka-charge.



<headbang, headbang lang nang headbang>

Monday, December 20, 2010

Bakit ba gan'on si papa?

"Bakit ba gan'on si papa? Nakakainis s'ya. Apektado na rin si mama. Nakikita ko si mama tuwing gabi, umiiyak habang binabasa ata 'yong mga messages ni papa sa kanya, bago s'ya biglang magpakasal sa ibang babae. Bakit s'ya gan'on?"

'Yan ay isang edited na sinabi sa 'kin ng isang masayahing kaibigan. 'Di ko na kasi matandaan pa 'yong mga talagang sinabi n'ya, pero parehas lang naman ng thought. Basta, ang istorya, 'yong papa n'ya, pumayag na magpakasal sa ibang babae para makapag-aral ulit. Para rin naman daw 'yon sa kanila, para rin daw sa kanyang kinabukasan. Grabe, hindi ko s'ya nabigyan ng maganda-gandang payo, kasi umiiyak s'ya n'ong mga panahong binubuksan n'ya sa 'kin 'yong topic na 'yon! (Ewan ko lang ano, pero weakness ko talaga ata 'yong umiiyak na babae,, xD). Kaya naisipan kong isulat na lang dito, para 'pag nabasa n'ya 'to, parang pinayuhan ko na rin s'ya, 'yon e kung mababasa n'ya.

Alam mo, limitado ang utak ng tao para makapagdesisyon ng tama palagi. Hindi laging rational ang gawa ng kahit sinong tao. Kaya, kung sa palagay mo e mali ang ginawa nito sa 'yo, baligtarin mo na lang ang mga pangyayari (sa sarili mo lang huh). Kung masama 'yong nakikita mo, pilitin mo na lang 'yong sarili mo na isipin kung ano ang magandang mangyayari mula sa isang maling hakbang. Hindi kita mapipilit na isiping "ayos" lang ang ginawa ng tatay mo, kasi kung mangyayari man sa 'kin 'yan, hindi lang siguro pag-iyak ang gagawin ko, pero 'yon lang ang tanging paraan para lumuwag ang damdamin mo. Tandaan mo, kung naubos man ang kalahating laman ng isang inuming baso, mayroon pa ring kalahating natitira. Sinabi na sa 'yo ng papa mo na para rin naman 'yon sa kinabukasan mo. Kaya, tanggapin mo na lang na para nga 'yon sa 'yo. Kung 'di mo matatanggap 'yon, magagawa mo ang pinaka-unang kasalanang nagawa sa mundo--ang pagrerebelde. Kung hindi ka man magrebelde, magsisinungaling ka lang sa sarili mo, kaya, mahihirapan ka lalo. Basta, ang unang paraan para mabuhay ka ng payapa at masaya e tanggapin ang mga bagay-bagay sa mundo, kahit hindi 'to katanggap-tanggap.

Ahenks, ang pangit ko magpayo sa blog,, ahehehe. Pero, masasanay din naman siguro ako.

Sira ang cellphone ko, badtrip,,

Friday, December 17, 2010

Paumpisa

Nag-umpisa ang lahat sa pagpapakilala sa akin ng ate ko sa isang manunulat. Maganda raw 'yong mga sinusulat n'on, astig. Unang banggit n'ya sa akin ng pangalan n'on, pumasok sa isip ko ang imahe ng isang matandang singkit, naka-orange na damit, at naghihimas ng mahaba, maputi at tuwid nitong balbas. Pero, Pinoy daw y'on, hindi chinese. Si Bob Ong. simula nung nakapagbasa ako ng libro nya (Stainless Longganisa), naisipan ko na ring magsulat. Kaso, ang problema, parang ayaw sakin ng pagsusulat. Habang nagsusulat ako ng mga tula o essay ko, pakiramdam ko kumakanta ako nang wala sa tono. Kaya naisipan kong hasain ang talento ko sa pagsusulat, kung meron man.

Nabanggit na rin naman ang tungkol sa talento, naalala ko yung isang kwento sa Bible na tungkol sa isang master at sa tatlong tagasilbi n'ya na iniwan nya ng mga talento. Natatawa ako. Pati pala ang Bible, apektado na rin ng chismis. Marami na kasi akong naririnig, kadalasan sa mga pang showbiz na palabas sa t.v., na kailangan daw gamitin ang mga talentong binigay ng "nasa itaas" at hindi itago. Napaisip tuloy ako, ano bang akala nila sa "talent" na nabanggit sa Bible, yung talent ba na inborn skill? Binasa ko ulit ang "Holy Bible (N.I.V.)" dun sa part na 'yon, at nakita ko sa baba ang isang note na "a talent is more than 1000 dollars". Ang binanggit sa Bible na talent e pera, hindi kung ano man. Kung mali man ako, o ang nabasa ko, pakitama ako. Kasi, kung tama ako, marami nang nabulag sa kung ano ba talaga ang ibig-sabihin ng Bibliya sa Talentong 'to.

(Balik sa essay) Para mahasa ako sa pagsusulat, sumali ako sa official publication ng school ko (Nuggets). Syempre, sa una, ayaw ko pa (medyo nagpapakyut pa ng konti sa 'kin y'ong utak ko), pero, dahil isang magandang pagkakataon 'yon para makapaglaro ako ng DotA, nag-try ako. Ang kulit nga ng essay ko d'on e, gandang-ganda ako! Basta, sinabi ko d'on na magugunaw ang mundo pero "not through water again, but through fire". Nasa Bible y'on e, kung di ako nagkakamali, sa first o second book ni Peter. Basta, d'on ko naramdaman na may galing ako sa pagsusulat kahit papaano. Kaya pinagpatuloy ko. Ang isa pa nga palang nagtulak sa 'kin sa pagsusulat e kuya ko.  Ang gaganda RAW ng tula ko, kaya dapat ilahad ko 'yon sa Nuggets. E si kuya pa naman ang tipo ng tao na pagtinanong mo, ang sagot lang lagi sa 'yo e "ok lang..."o ano kaya, "ayos lang". Bihira mo 'yon mariringgan ng "Ang ganda! Astig!".

Nabanggit ko na rin naman ang tungkol sa mga kapatid ko, sasabihin kong ilan sila sa mga dahilan kung bakit nakakatulong ako sa mga tao ngayon pagdating sa mga problema nila. Ang totoo n'yan, pati si mama at si dadudz (tawag ko 'to sa tatay ko), naging malaki ang apekto sa pagsusulat ko. Naging triggering factor lang si Bob.  Pilosopo kuya ko. Matalino naman ang ate ko. Palatawa ang mama ko. Mainitin naman ang tatay ko xD pero astig magpatawa. Ahehehe, basta. Kung malaki man ang epekto ng mga nakakatanda sa pinakabatang myembro ng pamilya, nagpapasalamat akong nasa pamilya ako na binabalanse ng kanya-kanyang ugali ng mga myembro nito.

Wednesday, December 15, 2010

Talaarawan ba 'to?

Matagal na rin n'ong huli akong nakapaglagay ng bagong post dito. Ewan ko ba. 'Pag nasa school ako, ang dami-dami kong naiisip na isulat (gawa na rin siguro ng tinatawag ng mga kaibigan kong "inspiration" ko), pero pagbalik sa bahay, wala na. Tama nga 'yong hinahangaan kong manunulat: 'pag nawala na 'yong naisip mo lang bigla, kahit ilang beses mong iuntog 'yang ulo mo, hindi na babalik 'yong mga naisip mo.
Yes, ngayon lang ako nagsulat ng essay dito (kung matatawag nga ba 'tong isang essay). Bahala na sa susunod, ang dami kong ginagawa e. Mag-uumpisa na akong magsulat ng mga essay dito. Napapansin ko kasi na parang madilim 'yong mga tulang nasusulat ko, ta's 'yong mga essay ko (na nasa isang notebook), medyo kwela kahit may pagkaseryoso. Ahehehe,,