Thursday, August 30, 2012

Role Pa Lang

Na naman. Lumusot na naman ako sa isang gawaing dapat kong malagpasan, pero hindi ko alam kung magagawa ko...

Isa sa mga nirereklamo ng mga college students ay ang mga minor subject nila na ika nga e "nagpapa-major". Yung tipong ok lang naman yung pinapagawa ng prof n'yo, kung yung subject n'ya e major n'yo! Marami na akong nababasa sa mga post sa FB na gan'ong reklamo. Quasi-ganong-pangyayari ang nangyayari sa 'min sa subject namin na humanities. Mga pang-art students kasi yata talaga yung pinapagawa sa'min nung prof namin. Katulad nung pinagawa sa 'min ngayon. Musical play. Pero accountancy students kami. Para kaming sinabak sa gera kahit hindi baril yung dala namin, kundi lapis at papel.

Pero hindi naman kasalanan ng prof namin yung nangyari ngayon. Minsan kasalanan mismo nung mga requirement ng subject yung mga paghihirap namin. Kasama kasi sa mga dapat magawa namin sa humanities namin e kunyaring-orchestra at kunyaring-play. Kaso kulang yung time namin kaya tinanong kami ni sir kung gusto ba naming ipag-combine yung dalawang arts. Um-oo kami. Minsan talaga mga estudyante rin ang nagpapahirap sa sarili nila.

Nag-umpisa nang magbigay ng division of labor si sir. Sinet-aside yung mga marunong tumugtog. Sila na ang bahala sa music ng play namin. Nagtawag na rin ng director. Pinin-point namin yung isa naming kaklaseng babae. Oks na si derek. Si scriptwriter naman. Nagvolunteer yung kanan kong kamay. Tinawag ako ni sir, at ako na ang naging opisyal na scriptwriter para sa play namin.  Natuwa ako. Pangarap ko kasi talagang maging playwright. Masaya ako. Nagtalunan yung mga ideya sa utak ko kasi alam na nilang magtatrabaho na sila. Tsaka biglang sumingit ang secretary sa opisina. Pinakita sa presidente ang mga schedule na dapat na inuna. Practice set sa Major subject namin na Accounting. Reports sa Literature at Rizal. At marami pa. Tinitigan ko sa mata ang secretary. Nginitian n'ya lang ako.

Lumusot na naman ako sa isang gawaing dapat kong malagpasan, pero hindi ko alam kung magagawa ko. Pero pangarap ko talagang maging playwright. Ito na yung pagkakataon. Nasa mga kamay ko na. Kaso wala pa sa'kin yung status na "playwright", yung role pa lang ang nasa akin. Bagay na hindi pwedeng mangyari sa politika, pero laging nakikita sa gerang ang gamit ay lapis at papel. Wala lang. Trip ko lang tuligsain ang politika.



Wednesday, August 29, 2012

Tender Love and Care

Aksidente lang ako-- yan lagi ang naiisip ko 'pag kinukwento nila Mama na hindi ako pinagplanuhan. Kumbaga e, si kuya na yung pinalano nilang maging bunso. Pero humabol daw ako e, anong magagawa nila? Sabi pa nga nila, ititigil na nila ang tibok ng puso ko bago pa ako lumabas sa mundo. Pero umayaw si Dudz, baka kasi 'pag nabuhay pa ako pagkatapos nun e maging abnormal ako. Kaso mukhang nakainom na si Mama ng isang box ng pampalaglag kaya siguro ako gan'to ka-abnormal. Nabadtrip ba ko kina Mama nung nalaman ko yun? Hindi po. Ang totoo, nagpasalamat ako sa Diyos nung nalaman ko yun. Kasi nandito pa rin ako. Nabubuhay, naglalaboy, nagdodota, nag-aaral, at nagmamahal. Utang ko ang buhay ko sa Kaniya, at syempre sa aking mga magulang. Lalo na nung nalaman ko kung pa'no ako inalagaan nila Mama.

Ang kwento ni Dudz sa'kin, nung baby pa ako, hindi ako pinagda-diaper pag matutulog. Ang gagawin nila e ilalagay nila yung kamay nila sa ilalim ng puwitan ko tas 'pag naramdaman nilang basa yung lampin, babangon sila tas papalitan yun kagad. Nung mga panahon kasing yun hindi pa uso yung mga diaper na pang-overnight. O, ewan, maski kasi hanggang ngayon hindi sila naniniwalang epektibo yung ganon. Natutuyuan daw talaga kasi ng ihi ang mga baby 'pag nakadiaper. Ewan, baka gan'o din gawin ko.

Tapos. kumpleto raw ako sa mga bakuna. Yung mga anti-polio, ganun ganun. Tas sooooooooooooooobra raw akong ngumawa nung tinusok na ko ng napakatulis at napakanakakasakit na karayom ng walang-awang injection. Ang taba ko pa naman daw non...siguro bang kyut ko nun.

Syempre, pagkatapos ng pagiging baby, nagiging bata na tayo. D'yan na yung nakikipaghabulan na tayo sa ibang mga bata habang nang-aasar, e pare parehas lang naman tayong kumakain ng kulangot n'on. Tas nandyan din yung asaran, lalo na 'pag meron ng burot. Yung tipong bang sarap asarin kasi umiiyak tas parang gusto nang tapusin yung mga buhay ng gagamba namin. Tas may iiyak na. D'yan na papasok yung mga magulang nung umiiyak, na kung iisipin e medyo nakakayamot. Pero hindi gan'on sila Mama. Hindi sila nangingialam sa mga affairs ko nung bata pa ako. Hinayaan nila akong makipagtakbuhan, makipag-asaran, maasar, madapa at tumayo mag-isa. Pero hindi lagi. Syempre anak pa rin nila ako. Dapat pinapalo pa rin ako sa puwit kahit sobrang bait ko.

Tapos pinag-aral nila ako. Mas nakilala ko ang mundo. Kinder ako nung nalaman ko kung pano magbilang at magsulat ng hanggang 53, na dapat e hanggang 100 kaso bandaldal ko kaya hindi ko natapos. Kinder din ako nung natutunan kong magbasa...ng "Ang" nga lang. Grade 1 kasi ako nung natuto akong magbasa talaga. At Grade 1 din ko nung unang beses akong pinalabas sa room. Grade 2 to Grade 6, skip na natin. Para kasi kina Mama 'to, hindi para ikwento yung buhay ko.

Bakasyon. Kakagraduate ko lang sa elem. Sinamahan ako ni Dudz sa ospital para magpabinata, at para hindi ako asaring potsu sa high school. Ok naman ung naging operasyon. Kaso natrauma ako lalo sa napakatulis at napakanakakasakit na karayom ng walang-awang injection. Tapos kulang pa ata yung naisaksak na anestisya. Nagdusa ako at napakagat na lang sa labi, habang iniisip kung ano na bang nangyayari sa buhay ko. Gayunpaman, hindi ako iniwan ni Dudz. Cinonggrats pa nga niya ata ako pagkatapos.

High school. Hindi pa rin ako pinapabayaan nila Mama, hindi tulad ng iba kong kakilala na wala nang maikukwentong maganda tungkol sa mga magulang nila bukod sa pinag-aaral sila. Nakasuporta pa rin sila Mama. Kahit hindi sila ang nagbabayad ng tuition ko, alam kong nahirapan pa rin silang magbudget nung high school ako. Ginalingan ko. Nakatapos ng maayos. Pero kulang pa rin yung nagagawa ko para mabayaran sila.

Tapos ang high school. Pinayuhan ako ni Dudz na magseryoso na ako dapat sa college. Ok lang daw magpakasaya ako sa high school, kaya siguro hindi nila ako pineressure maging honor student.
Pero iba talaga ang usapan 'pag college na. Propesyon na kasi yung pinag-uusapan. Kung hindi ko raw pagbubutihin yung pag-aaral ko ngayon, ipapamana nila sa'kin yung makina nila sa pananahi.

Nasa maayos akong institution ngayon. Scholar ako dun kaya wala akong binayarang kahit ano at meron pa akong monthly allowance kaya oks na rin ang baon. Sa wakas! Kahit papaano nakatulong ako kina Mama. Second year na ako, pero naguguluhan pa rin ako kung tama ba yung kinuha kong course. May exam kami bukas pero eto ako, nagsusulat. Pinagsasabihan nga ako ni Dudz, siguraduhin ko raw na ayusin ko yung pag-aaral ko. Iba talaga magmahal ang mga magulang.

Haay, ang haba na. Bueno, tatapusin ko na rito. Ang gusto ko lang namang sabihin e malaki ang pasasalamat kong naging magulang ko yung mga magulang ko ngayon. Kundi dahil sa kanila, may isang babae ngayon na nag-iisa. Ahaha, salamat sa Diyos.













Saturday, August 18, 2012

Ang Regalo ko, Pag-ibig

[Sa isang bayang lahat ng bagay ay nahahawakan,
Nakatindig ang isang palasyong kawayan.
May mga sundalong nakakalat sa paligid
Lahat inaantok, pero tuloy pa rin ang pagmamasid.]

[Ang mga sundalong tapos na ang tungkulin,
Nagsisiyahan sa hawak nilang inumin.]

ISANG SUNDALO: Kaarawan ng Prinsesa!
Ilabas n'yo 'yung inimbak na serbesa!

[Tawanan doon, basagan dito.
Suot kasi nila ang Kwintas ng Lasenggo.]

ISA PANG SUNDALO: Oo, pare, nabosohan ko siya...
[Hinampas ang katabi at muling tumawa.]

[Lumabas ang Hari, nagsitigil sila.
Putong ng Kapangyarihan ang suot niya.
Nagpalit sila ng suot na mga Kwintas,
Matapang, Masunurin, at Matigas.]

HARI: Lahat kayo... Teka, papasukin n'yo ang lahat dito.
ISA NA NAMANG SUNDALO: HOY!!! MAGSIPASOK DAW KAYO!

HARI: Siguro naman alam n'yo kung bakit kayo nandito.

[Nagtinginan ang mga sundalo...takot at medyo kabado.
Dumikit sa kanila ang mga Ipis ng Takot at Kaba.]

HARI: Kaarawan ulit kasi ng aking Prinsesa!

[Nagbuntong hininga ang lahat. Nagsialisan ang mga Ipis.
Lumabas mula sa kwarto ang Prinsesa.
Ang suot n'ya'y Pulseras ng Maganda.
Ang lahat ng sundalo'y napanganga.]

HARI: Pero iba ang kaarawan n'yang ito.
Dalaga na s'ya at kailangan na n'ya ng Sundalo.

[Nabuhay ang dugo ng mga sundalo.
Gumapang sa kanila ang Alupihan ng Pagiging Interesado.]

HARI: Kung sino man ang makakapagbigay sa kan'ya ng Regalo,
ipapakasal ko sila kung magustuhan s'ya ng anak ko.
Lumapit NG MAAYOS sa kanya ang may maibibigay.
'Wag kayong bastos para hindi kayo mapilay.

[Lumapit ang isang sundalo.
Pero bigla itong natumba dahil sa hilo.]
HARI: Damputin n'yo yan at itapon n'yo!
Ang susunod, maaring magpakilala kung sino.

[Lumapit ang isa pang sundalo.]

ISA PANG SUNDALO: O! Prinsesa ko!
Ito ang Regalo ko: Katapangan.
Magiging matapang ako sa lahat ng paraan.
Sa kahit ano pang masamang kalaban.

[Walang ekspresyon ang Prinsesa.
Tumingin sa Hari habang may suot na umaayaw na mukha.]

HARI: Ayaw sa'yo ng aking anak.
Bumalik ka na lang sa alak.
Sunod!

[Lumapit ang isa na namang sundalo.]

ISA NA NAMANG SUNDALO: Ito ang aking Regalo:
Ang Buhay ko.
Kaya kong mamatay para sa'yo.
Sa mga nagliliparang pana, ipansasalag ang katawan ko.
Hindi ka hahayaang masugatan ng kahit na sino at kahit ano.
Iaalay ko ang buong Buhay ko. Pangako.

[Napangiti ang Prinsesa.
Napangiti ang Hari dahil nakangiti ang Prinsesa.
Napangiti ang sundalo dahil nakangiti ang Prinsesa.
Sa bandang huli, nagusot ang akala nilang maganda.]

PRINSESA: Mas kailangan ko ng mabubuhay para sa 'kin.

[Nalugmok ang sundalo at lumayas sa Palasyo.]

HARI: O sige, ang susunod naman.
Ang mga kilos n'yo naman ay bilisan.

[Mula sa lumpon ng mga sundalo,
biglang tumayo ang isang binatilyo.
May "hawak" s'yang kakaiba,
at nadama ito kaagad ng Prinsesa.]

BINATILYO: Mahal na Hari, mga sundalo, Prinsesa
siguro'y hindi n'yo ko kilala.
Hindi pa ako lumalaban sa gera maski sa arena.
Nag-aani ako ng palay at umuukit ng istatwa.
Simple lang akong tao, pero sa isang bagay ako sigurado:
Ang Prinsesa ay mahal na mahal ko.
Matagal ko nang ibinigay ang aking Regalo,
At ang Regalo ko: ang Pag-ibig ko.

HARI: Sigurado ka ba sa sinasabi mo?
Pag-ibig ang iyong Regalo?
Alam mo bang hindi 'yun pwedeng ibigay?
Sa kahit sino'y hindi 'yun maaaring ihiwalay.

BINATILYO: Maari po, ngunit sa napaka-espesyal na pagkakataon.
Sa ayaw, ang Pag-ibig ay hindi dapat ibigay doon.
Ngunit maari pong mangyari iyon,
masasaktan nga lang ang magbibigay n'on.
At mawawalan s'ya ng Pag-ibig,
kakanta na lang ng malungkot na himig.

HARI: At maraming namamatay sa ganyang pangyayari.
Sa gagawin mo ngayon, hindi ka kaya magsisisi?

BINATILYO: Hindi ko po ito gagawin ngayon...
dahil ginawa ko na po ito sa nakalipas na panahon.
At hindi pa po ako namamatay.
Ang pag-ibig kasi ng Prinsesa'y
matagal na n'ya sa 'king inalay.

[Nagulata ng lahat. Maski ang Hari napanganga.
Pag-ibig ng Prinsesa'y nabigay na pala.]

BINATILYO: Mahal ko...

PRINSESA: Akala ko hindi ka na pupunta.

HARI: ...teka lang...tama ba ang aking nakikita?

PRINSESA: Opo, Mahal na Ama.
Ang Pag-ibig ko'y naialay ko na.
Opo, Mahal na Ama,
ang pagkakataong umamin ay ngayon ko lang nakita.
Hindi po s'ya nawalan ng Pag-ibig,
dahil nasa loob na ako ng kanyang mga bisig.
Wala na akong hahanapin pa,
kaming dalawa'y ipakasal n'yo na!

HARI: Kung gan'on, kayo'y maghanda na.
Ipapakasal ko na kayong dalawa.