Tuesday, February 7, 2012

Ang Tatay Ko'y Demonyo

Higit pa sa mga sakuna, mga krimen, gobyernong kinakagat ang sariling katawan, pagtaas ng mga presyo ng bilihin at langis, hindi pagsunod sa batas-trapiko na nagsasanhi ng mga aksidente, at sa hindi gumaganang speedometer ng mga jeep na nasakyan ko simula pa n'ong una ang tunay at napakadelikadong problema ng bansang Pilipinas...at ng buong mundo. Ang problema ay wala sa kalikasan-- natural lang na minsan ay mag-unat-unat ng bahagya ang nasisiskipan nang mundo. Wala ito sa krimen-- walang buhay ang baril at kitchen knife para pumatay ng mga amo nila. Wala sa gobyerno-- ang gobyerno ay naglalayon lang naman ng mas organisado at mas maayos na bayan. Wala sa presyo ng mga bilihin at langis-- ang pera ay papel na pininturahan lang, ta's pina-photocopy [colored]. Wala sa batas-- pinapakita lang naman nito na may nilabag tayong karapatang pantao. At wala sa sirang speedometer ng mga jeep-- astig kasi mga driver sa'tin. May built-in speedometer na sila sa mata pagkapanganak pa lang sa kanila.

Narinig n'yo na ba ang katagang "child abuse"? Ayon sa mga pagsusuri, maraming tao ang nakakaalam nito. Pero marami ring hindi nakakaalam, at karamihan sa mga ito'y ang mga mismong bahagdan ng buhay ng tao na pinoprotektahan dapat ng batas patungkol dito. Ang mga bata (bow). Ang mga bata ang bunso ng lipunang pilit nagpapakatino kahit nagpapakalasing at nagbibisyo. Sila ang pinaka sa lahat ng mga bagay. Pinakamasiyahin. Pinakainosente. Pinakamakulit. Pinakasensitibo. Pinakamakasarili. At pinakamadaling dapuan ng sakit na hindi magagamot ng tableta. Sila ang pagbukangliwayway ng araw sa langit. Pagkislap ng bituwin sa gabi. At paghuni ng mga ibon. Isipin mo kung anong mangayayri sa mgagandang bagay na y'on 'pag hindi nakatanggap ng tamang alaga ang mga bata. At 'pag minaltrato pa sila. Lalo na 'pag sariling magulang pa nila ang gumawa sa kanila n'on. Napakalalaking mga trahedya ang dadaong sa bansa. Halimbawa, lahat ng nabanggit sa unang talata.

Maraming uri ng pagmamaltrato sa bata. Inuuri ko sila (at ng baka kung sino pa man) sa dalawa. Ang una ay ang direktang pang-aabuso. Pangalawa, syempre, di-direktang pang-aabuso. Ang pagtutuuan ko na lang ng pansin ay yung pangalawa. Ang pagtutuunan ko na lang ng pansin sa pangalawa ay ang pag-aaway ng mga magulang sa loob ng presensya ng kanilang [mga] anak. Hindi ka ba kinikilabutan 'pag naririnig mong mag-away yung mga magulang mo? Nagsisigawan. Nagbabatuhan. Nagsasakitan. Nagbabatuhan ng mga nakakasakit na salita.

"Anak ka ng demonyo, demonyito ka talaga!!" sigaw ng isang nanay sa anak n'yang nabubog ang paa habang nakikipaglaro ng tagu-taguan sa kanyang mga kaibigan. "Nas'an ba 'yang batugan mong tatay?! Naglalasing tapos mag-iiwan ng bote, !@##$% talaga!!"
Sumagot ang bata ng iyak. Iyak na hindi dahil sa sakit ng sugat o sa takot...kundi dahil sa galit.
"!@#$%^& naman, gabing gabi na! Ayaw n'yo bang magpatulog?" galit na bangon ng lasing na tatay sa kama. Nasa bahay na pala.
Nagtago sa likod ng pinto ng banyo ang bata at binanlawan ang paa n'yang namamanhid na.
" 'And'yan ka na pa lang batugan ka. Nas'an 'yung sweldo mo? Pinanlasing?"
"Alam mo, mas mabuti kung tatahimik ka na lang."
"Aba, e !@#$ ka pala e!"
"Sinabi nang tumahimik ka e!"
[kalansing ng mga nababsag na plato at baso]
"NASASAKTAN AKO!! ANO BA?!"
" 'Pag sinabi kong tumahimik ka, TUMAHIMIK KA!!"
[tunog ng malakas na sampal; tunog ng nasirang upuang kahoy; panaghoy, iyak, at pabulung-bulong ng nanay]
"Demonya ka, TUMIGIL KA NA D'YAN!!! Dahil sa'yo nagiging !@#$%ng impyerno 'tong !@#$%ng bahay na 'to!!"

Sinong tatay mo?
Demonyo po.
Sinong nanay mo?
Demonya po.
Sino ka?
Demonyito po.
Saan ka nakatira?
Sa impyerno po.


...................
nakakakilabot...