Good morning. May pasok na kami kaya busy na ako sa studies, kaya ngayon lang ako nakapagsulat ulit. May biglang dumating na urge pagkagising ko e.
Maaga akong nagising ngayon kasi maaga rin akong natulog. Ewan, inantok ako kagad kahapon at nahiga ako ng maaga; kung hindi pa ako ginising, hindi ako makakakain ng hapunan. Anyway, kaya ako nakapagsulat dito ngayon kasi kanina habang nag-i-stretching ako, bigla akong may narinig na kumakaluskos sa may cabinet namin sa kusina. "May ipis?" naisip ko, at hiniling ko na kung meron nga, sana hindi lumilipad. Tapos, biglang pumasok sa isip ko yung mga tukong nangungupahan sa ceiling ng second floor namin. Inisip ko na kaya siguro wala nang masyadong ipis samin e dahil sa kanila (tama ba? Ang diet ba ng tuko ay insekto?). Tapos, bigla ko namang naalala yung isang picture (o memory ata yun?) na nakita ko n'on: isang butiki ang may subong ipis. At naglaro na dun yung utak ko.
Isang beses habang nagbibihis ako sa kwarto, may nakapasok na malaking langaw na makintab ang pwet, na 'pag dumadaan malapit sakin e nagba-buzz ng malakas, kaya nairita ako. Kumuha ako ng pwede kong ipanghampas (hindi ko na maalala kung ano) at akma itong papatayin habang lumilipad. Pero napatigil ako nung nakita kong may butiki sa may bintana, matyagang nagaabang sa pagkakamali ng langaw na mapalapit sa bibig niya at sa kamatayan nito. Inabangan ko lang kung mahuhuli nga, kaso naalala kong may pasok na ako kaya hindi ko na rin nakita kung anong naging progress, pero na-conclude ko na matyaga ang butiki.
So, bakit ko 'to nakwento?
Para ipakita lang na kahit langaw lang yung hinuhuli ng butiki, pinaghihirapan niya. Kahit sabihing maliit at halos walang kwenta, pinaghihiripan niya pa ring makuha at ginagawa ang kaya niya. Matyaga siyang nag-aabang hanggang sa maging fruitful ang kanyang paghihirap. At 'pag nahuli na niya ang langaw, hindi pa siya titigil sa paghuli ng makakain, kasi kailangan niya yun. Hanggang sa dumating na yung time na hindi lang langaw ang hinuhuli niya, kundi pati na rin ipis. AT ginagawa niya yun kasi, una, kaya niya, at pangalawa, kailangan niya (eto, choice ng butiki kung ikukundisyon niya yung utak niya na kailangan niya nga 'yon). Iisipin nating matakaw masyado ang butiking kumakain ng ipis, yung greedy ba, pero 'wag nating kakalimutang pinaghirapan niya 'yun, and he deserves that.
Ngayon, gawin nating tayo ang butiki, tayong mga tao.
Kahit sabihing maliit at halos walang kwenta, pinaghihiripan pa
rin ng tao makuha ang kailangan niya at ginagawa ang kaya niya. Matyaga siyang nag-aabang
hanggang sa maging fruitful ang kanyang paghihirap. At 'pag nakamtan na
niya ang kailangan niya, hindi pa siya titigil sa pagkuha, kasi nga
kailangan niya yun. Hanggang sa dumating na yung time na hindi lang ang mga kailangan niya ang kukunin niya, kundi pati na rin ang mga gusto niya. AT ginagawa niya yun
kasi, una, kaya niya, at pangalawa, kailangan niya (eto, choice na ng tao kung ikukundisyon niya yung utak niya na kailangan na niya nga yung mga gusto niya lang naman dati). Iisipin nating matakaw masyado ang taong tinutupad ang layaw niya,
yung greedy ba, pero 'wag nating kakalimutang pinaghirapan niya 'yun,
and he deserves that.
Oo, aaminin ko, masyado akong judgemental sa mga mayayamang tao, tulad ng masyado silang sagapa sa kayamanan, sa masamang paraan nila yun nakuha, na dahil lang sa corruption kaya nagiging gan'on sila, na nagkakaron lang ng matagumpay na business kasi may "padulas" sa gobyerno, na sa paglalagay ng maling impormasyon sa mga dokumento, na sa pangongopya lang sila nakapasa sa mga test, na sa pagpepektus lang sila nanalo sa larong teks, at sa pang-aagaw lang sila nagkakaron ng karelasyon. Pero, ngayon, dahil sa butiki, narealize kong pinaghirapan nilang makuha lahat ng natatanggap nila ngayon, and they deserve that.
Pero tao tayo, hindi butiki.
No comments:
Post a Comment