Aksidente lang ako-- yan lagi ang naiisip ko 'pag kinukwento nila Mama na hindi ako pinagplanuhan. Kumbaga e, si kuya na yung pinalano nilang maging bunso. Pero humabol daw ako e, anong magagawa nila? Sabi pa nga nila, ititigil na nila ang tibok ng puso ko bago pa ako lumabas sa mundo. Pero umayaw si Dudz, baka kasi 'pag nabuhay pa ako pagkatapos nun e maging abnormal ako. Kaso mukhang nakainom na si Mama ng isang box ng pampalaglag kaya siguro ako gan'to ka-abnormal. Nabadtrip ba ko kina Mama nung nalaman ko yun? Hindi po. Ang totoo, nagpasalamat ako sa Diyos nung nalaman ko yun. Kasi nandito pa rin ako. Nabubuhay, naglalaboy, nagdodota, nag-aaral, at nagmamahal. Utang ko ang buhay ko sa Kaniya, at syempre sa aking mga magulang. Lalo na nung nalaman ko kung pa'no ako inalagaan nila Mama.
Ang kwento ni Dudz sa'kin, nung baby pa ako, hindi ako pinagda-diaper pag matutulog. Ang gagawin nila e ilalagay nila yung kamay nila sa ilalim ng puwitan ko tas 'pag naramdaman nilang basa yung lampin, babangon sila tas papalitan yun kagad. Nung mga panahon kasing yun hindi pa uso yung mga diaper na pang-overnight. O, ewan, maski kasi hanggang ngayon hindi sila naniniwalang epektibo yung ganon. Natutuyuan daw talaga kasi ng ihi ang mga baby 'pag nakadiaper. Ewan, baka gan'o din gawin ko.
Tapos. kumpleto raw ako sa mga bakuna. Yung mga anti-polio, ganun ganun. Tas sooooooooooooooobra raw akong ngumawa nung tinusok na ko ng napakatulis at napakanakakasakit na karayom ng walang-awang injection. Ang taba ko pa naman daw non...siguro bang kyut ko nun.
Syempre, pagkatapos ng pagiging baby, nagiging bata na tayo. D'yan na yung nakikipaghabulan na tayo sa ibang mga bata habang nang-aasar, e pare parehas lang naman tayong kumakain ng kulangot n'on. Tas nandyan din yung asaran, lalo na 'pag meron ng burot. Yung tipong bang sarap asarin kasi umiiyak tas parang gusto nang tapusin yung mga buhay ng gagamba namin. Tas may iiyak na. D'yan na papasok yung mga magulang nung umiiyak, na kung iisipin e medyo nakakayamot. Pero hindi gan'on sila Mama. Hindi sila nangingialam sa mga affairs ko nung bata pa ako. Hinayaan nila akong makipagtakbuhan, makipag-asaran, maasar, madapa at tumayo mag-isa. Pero hindi lagi. Syempre anak pa rin nila ako. Dapat pinapalo pa rin ako sa puwit kahit sobrang bait ko.
Tapos pinag-aral nila ako. Mas nakilala ko ang mundo. Kinder ako nung nalaman ko kung pano magbilang at magsulat ng hanggang 53, na dapat e hanggang 100 kaso bandaldal ko kaya hindi ko natapos. Kinder din ako nung natutunan kong magbasa...ng "Ang" nga lang. Grade 1 kasi ako nung natuto akong magbasa talaga. At Grade 1 din ko nung unang beses akong pinalabas sa room. Grade 2 to Grade 6, skip na natin. Para kasi kina Mama 'to, hindi para ikwento yung buhay ko.
Bakasyon. Kakagraduate ko lang sa elem. Sinamahan ako ni Dudz sa ospital para magpabinata, at para hindi ako asaring potsu sa high school. Ok naman ung naging operasyon. Kaso natrauma ako lalo sa napakatulis at napakanakakasakit na karayom ng walang-awang injection. Tapos kulang pa ata yung naisaksak na anestisya. Nagdusa ako at napakagat na lang sa labi, habang iniisip kung ano na bang nangyayari sa buhay ko. Gayunpaman, hindi ako iniwan ni Dudz. Cinonggrats pa nga niya ata ako pagkatapos.
High school. Hindi pa rin ako pinapabayaan nila Mama, hindi tulad ng iba kong kakilala na wala nang maikukwentong maganda tungkol sa mga magulang nila bukod sa pinag-aaral sila. Nakasuporta pa rin sila Mama. Kahit hindi sila ang nagbabayad ng tuition ko, alam kong nahirapan pa rin silang magbudget nung high school ako. Ginalingan ko. Nakatapos ng maayos. Pero kulang pa rin yung nagagawa ko para mabayaran sila.
Tapos ang high school. Pinayuhan ako ni Dudz na magseryoso na ako dapat sa college. Ok lang daw magpakasaya ako sa high school, kaya siguro hindi nila ako pineressure maging honor student.
Pero iba talaga ang usapan 'pag college na. Propesyon na kasi yung pinag-uusapan. Kung hindi ko raw pagbubutihin yung pag-aaral ko ngayon, ipapamana nila sa'kin yung makina nila sa pananahi.
Nasa maayos akong institution ngayon. Scholar ako dun kaya wala akong binayarang kahit ano at meron pa akong monthly allowance kaya oks na rin ang baon. Sa wakas! Kahit papaano nakatulong ako kina Mama. Second year na ako, pero naguguluhan pa rin ako kung tama ba yung kinuha kong course. May exam kami bukas pero eto ako, nagsusulat. Pinagsasabihan nga ako ni Dudz, siguraduhin ko raw na ayusin ko yung pag-aaral ko. Iba talaga magmahal ang mga magulang.
Haay, ang haba na. Bueno, tatapusin ko na rito. Ang gusto ko lang namang sabihin e malaki ang pasasalamat kong naging magulang ko yung mga magulang ko ngayon. Kundi dahil sa kanila, may isang babae ngayon na nag-iisa. Ahaha, salamat sa Diyos.
No comments:
Post a Comment