Saturday, August 18, 2012

Ang Regalo ko, Pag-ibig

[Sa isang bayang lahat ng bagay ay nahahawakan,
Nakatindig ang isang palasyong kawayan.
May mga sundalong nakakalat sa paligid
Lahat inaantok, pero tuloy pa rin ang pagmamasid.]

[Ang mga sundalong tapos na ang tungkulin,
Nagsisiyahan sa hawak nilang inumin.]

ISANG SUNDALO: Kaarawan ng Prinsesa!
Ilabas n'yo 'yung inimbak na serbesa!

[Tawanan doon, basagan dito.
Suot kasi nila ang Kwintas ng Lasenggo.]

ISA PANG SUNDALO: Oo, pare, nabosohan ko siya...
[Hinampas ang katabi at muling tumawa.]

[Lumabas ang Hari, nagsitigil sila.
Putong ng Kapangyarihan ang suot niya.
Nagpalit sila ng suot na mga Kwintas,
Matapang, Masunurin, at Matigas.]

HARI: Lahat kayo... Teka, papasukin n'yo ang lahat dito.
ISA NA NAMANG SUNDALO: HOY!!! MAGSIPASOK DAW KAYO!

HARI: Siguro naman alam n'yo kung bakit kayo nandito.

[Nagtinginan ang mga sundalo...takot at medyo kabado.
Dumikit sa kanila ang mga Ipis ng Takot at Kaba.]

HARI: Kaarawan ulit kasi ng aking Prinsesa!

[Nagbuntong hininga ang lahat. Nagsialisan ang mga Ipis.
Lumabas mula sa kwarto ang Prinsesa.
Ang suot n'ya'y Pulseras ng Maganda.
Ang lahat ng sundalo'y napanganga.]

HARI: Pero iba ang kaarawan n'yang ito.
Dalaga na s'ya at kailangan na n'ya ng Sundalo.

[Nabuhay ang dugo ng mga sundalo.
Gumapang sa kanila ang Alupihan ng Pagiging Interesado.]

HARI: Kung sino man ang makakapagbigay sa kan'ya ng Regalo,
ipapakasal ko sila kung magustuhan s'ya ng anak ko.
Lumapit NG MAAYOS sa kanya ang may maibibigay.
'Wag kayong bastos para hindi kayo mapilay.

[Lumapit ang isang sundalo.
Pero bigla itong natumba dahil sa hilo.]
HARI: Damputin n'yo yan at itapon n'yo!
Ang susunod, maaring magpakilala kung sino.

[Lumapit ang isa pang sundalo.]

ISA PANG SUNDALO: O! Prinsesa ko!
Ito ang Regalo ko: Katapangan.
Magiging matapang ako sa lahat ng paraan.
Sa kahit ano pang masamang kalaban.

[Walang ekspresyon ang Prinsesa.
Tumingin sa Hari habang may suot na umaayaw na mukha.]

HARI: Ayaw sa'yo ng aking anak.
Bumalik ka na lang sa alak.
Sunod!

[Lumapit ang isa na namang sundalo.]

ISA NA NAMANG SUNDALO: Ito ang aking Regalo:
Ang Buhay ko.
Kaya kong mamatay para sa'yo.
Sa mga nagliliparang pana, ipansasalag ang katawan ko.
Hindi ka hahayaang masugatan ng kahit na sino at kahit ano.
Iaalay ko ang buong Buhay ko. Pangako.

[Napangiti ang Prinsesa.
Napangiti ang Hari dahil nakangiti ang Prinsesa.
Napangiti ang sundalo dahil nakangiti ang Prinsesa.
Sa bandang huli, nagusot ang akala nilang maganda.]

PRINSESA: Mas kailangan ko ng mabubuhay para sa 'kin.

[Nalugmok ang sundalo at lumayas sa Palasyo.]

HARI: O sige, ang susunod naman.
Ang mga kilos n'yo naman ay bilisan.

[Mula sa lumpon ng mga sundalo,
biglang tumayo ang isang binatilyo.
May "hawak" s'yang kakaiba,
at nadama ito kaagad ng Prinsesa.]

BINATILYO: Mahal na Hari, mga sundalo, Prinsesa
siguro'y hindi n'yo ko kilala.
Hindi pa ako lumalaban sa gera maski sa arena.
Nag-aani ako ng palay at umuukit ng istatwa.
Simple lang akong tao, pero sa isang bagay ako sigurado:
Ang Prinsesa ay mahal na mahal ko.
Matagal ko nang ibinigay ang aking Regalo,
At ang Regalo ko: ang Pag-ibig ko.

HARI: Sigurado ka ba sa sinasabi mo?
Pag-ibig ang iyong Regalo?
Alam mo bang hindi 'yun pwedeng ibigay?
Sa kahit sino'y hindi 'yun maaaring ihiwalay.

BINATILYO: Maari po, ngunit sa napaka-espesyal na pagkakataon.
Sa ayaw, ang Pag-ibig ay hindi dapat ibigay doon.
Ngunit maari pong mangyari iyon,
masasaktan nga lang ang magbibigay n'on.
At mawawalan s'ya ng Pag-ibig,
kakanta na lang ng malungkot na himig.

HARI: At maraming namamatay sa ganyang pangyayari.
Sa gagawin mo ngayon, hindi ka kaya magsisisi?

BINATILYO: Hindi ko po ito gagawin ngayon...
dahil ginawa ko na po ito sa nakalipas na panahon.
At hindi pa po ako namamatay.
Ang pag-ibig kasi ng Prinsesa'y
matagal na n'ya sa 'king inalay.

[Nagulata ng lahat. Maski ang Hari napanganga.
Pag-ibig ng Prinsesa'y nabigay na pala.]

BINATILYO: Mahal ko...

PRINSESA: Akala ko hindi ka na pupunta.

HARI: ...teka lang...tama ba ang aking nakikita?

PRINSESA: Opo, Mahal na Ama.
Ang Pag-ibig ko'y naialay ko na.
Opo, Mahal na Ama,
ang pagkakataong umamin ay ngayon ko lang nakita.
Hindi po s'ya nawalan ng Pag-ibig,
dahil nasa loob na ako ng kanyang mga bisig.
Wala na akong hahanapin pa,
kaming dalawa'y ipakasal n'yo na!

HARI: Kung gan'on, kayo'y maghanda na.
Ipapakasal ko na kayong dalawa.



No comments:

Post a Comment