Sunday, July 1, 2012

Sa Ilalim ng Puno ng Mangga

Sa ilalim ng puno ng mangga,
Nag-umpisa ang hiwaga.
Lumalabas raw ang engkantada,
Nang-aakit, naninila.

Sa ilalim ng puno ng mangga,
Ang bata ay tumanda na,
Nadama raw ang haplos ng ina,
Nasabik sa aruga n'ya.

Sa ilalim ng puno ng mangga,
Ang lalaki'y nabulok na.
Hinihintay pa rin ang dalaga,
Na gusto raw s'yang makita.

Sa ilalim ng puno ng mangga,
Pag-ibig ay namahinga,
Nang ang umiibig pa nang una,
Naakit ng engkantada.

Sa ilalim ng puno ng mangga,
May nagluluksang matanda,
Batang pinagpalit sa pamilya,
'Di na n'ya ulit makita.

Sa ilalim ng puno ng mangga,
Naakit ang mangagawa,
Nilagay ang titulo sa kanya,
Lupa ng puno ng mangga.

Pinutol na ang puno ng mangga,
Engkantada'y nawala na.
Buto ng kanyang mga nasila,
Sisingil sa manggagawa.

No comments:

Post a Comment