Simula sa pakiramdam na hindi mapaliwanag,
Hanggang sa mga galaw niyang sa'yo'y nagpalaglag.
Para kang natagpuang lagalag,
At ika'y tuluyan ng umibig at nabulag.
Pero, ano 'tong nalaman mo?
Sweet pala s'ya kahit kanino.
Hindi mo naramdaman na mali ka pala,
Hindi mo alam, meron na s'yang ibang kasama.
Umasa ka tuloy na parang tanga,
Nakatunganga pa rin at hinihintay s'ya.
Mabilis na natunaw ang iyong pasensya,
Kaya't nilunok na lang na wala na talagang pag-asa.
Sa kalagitnaan ng iyong pagdurusa,
Natuto ka ulit umasa.
Umasa ka na s'ya'y makakalimutan,
Pagsalubong sa'yo ng kinabukasan.
Pero, anak ng pagong, ang tagal mawala!
Napapikit ka na lang at nilamutak ang mukha.
Para kang baliw na ngumingiti mag-isa,
Ang tangi mong nagawa ay magbuntong-hininga.
Pagkagising mo, iba na ang pakiramdam,
Kahit s'ya pa rin ang laman ng isipan.
Nguni't pagpasok sa eskwela ika'y kinilabutan,
Nang sa isa mong kaibigan ika'y nagandahan.
Nagulat ka tuloy sa iyong natuklasan,
Ang puso mo pala'y bumubulong ng ibang pangalan.
At kahit ika'y nahirapan at naguluhan,
Iba na pala ang babaeng iyong tinititigan.
Natuto ka ulit umasa't mangarap,
Na may makasama sa pagbingwit ng mga ulap,
Natuto ka ulit ngumiti at masiyahan;
Na sana'y makasama mo s'ya sa pagtingin sa buwan.
No comments:
Post a Comment