Tuesday, January 31, 2012

Simple Lang

Isa sa mga ayaw kong pangyayari sa buhay ko e yung pagkatapos kong maglabas ng sama sa loob(tumae) sa banyo, malalaman kong wala na palang tissue paper sa loob. Dyahe, hindi ko alam gagawin ko 'pag gan'on. Pero, lagi kong naalala na hindi naman talaga kailangan ng gan'on para mabuhay sa mundo. Kung kailangan man, marami na sigurong taong pumanaw, at maaring kasama ako d'on.

Nabuhay ako sa bahay na birhen sa tissue paper. Wala namang masamang nangyari sa 'kin noon n'ong ginagawa pa ni Mama ang isa sa mga dakilang trabaho ng magulang sa anak nila na paghuhugas ng...excuse me...puwit. Kahit na mismong ako na ang naghuhugas, wala namang naging masamang epekto sa'kin y'ong pagkawala ng tissue. Nagkaroon lang naman ako ng deperensya patungkol d'on n'ong natuto na akong gumamit ng papel pampunas sa nilalabasan ng ebs. Kumbaga e, nanggulo lang yung papel na y'on sa simple kong pamumuhay, at natuto akong umasa sa isang bagay na hindi naman kailangan sa buhay.

Ilang beses ka nang nahirapan sa buhay mo? Siguradong maraming maraming beses na. Pero sa dami n'on, sigurado akong tatlo lang ang naging dahilan ng mga y'on: una, hindi ka sanay, pangalawa, tinatamad ka, at pangatlo, may ipinipilit kang isang bagay na ayaw magpapilit. Alam mo kung anong makakatulong sa'yo para hindi ka na mahirapan? Simple lang: maging simple ka lang. Iwasan mo lang yo'ng tatlong dahilan, lalo na yo'ng pangalawa at pangatlo...pati na rin pala yo'ng una, pero konti lang kasi hindi naman makasasama kung masasanay ka sa ilang bagay sa mundo, lalo na kung kailangan talaga.

Kung walang tissue paper at nasanay kang meron, syempre mahihirapan ka na. Kung magpapadala ka sa pagiging hindi sanay, tatamarin ka nang maghugas, pero dahil kailangan mo pa ring maghugas, ipipilit mo nang magkaron ng tissue paper dahil d'on ka nasanay, kahit alam mong pagbalibaligtarin mo man ang mundo ay wala naman talaga. Mahihirapan ka lalo. Maiinis ka. Sisisihin mo ang iyong nanay dahil hindi s'ya nakapaglagay ng tissue paper kaagad bago ka man lang tumae. Sa bandang huli, maiisip mong hindi naman kailangan ng papel para matapos ang iyong pagdudrusa. Babalik ka sa pagiging simple: maghuhugas ka na lang ng puwit.

'Yan, tapos na 'kong um-ebs. Shocks, walang tissue?! MAMA!!!!

No comments:

Post a Comment