Malakas ang ulan nang gabing iyon.
Animong ungol ng mabalahibong halimaw ang ugong ng hanging pumapasok sa mga eskinita sa lugar na iyon na sobrang laki. Mistulang mga bala ng baril na sumasabog nang tuluy-tuloy ang tumatama at tumatagos sa mga bubungan ng mga bahay ng mga pamilyang nagtitiis sa lamig at dilim na gawa ng delubyo.
Kalaban ng tao ang Kalikasan noon. Ang Haring Hangin ay umihip ng ilang beses na tumangay sa lahat ng bubong na walang sapat na lakas na kumapit sa isinisilong nito. Ang bahay na gawa sa bato, bagama 't nakaligtas sa hagupit ng hangin, ay nilibing naman ng Haring Lupa, kasama ang mga sawing palad na hindi nakinig sa anunsyo ng paglikas sa lugar na iyon. Ang mga bahay na binuo malapit sa ilog at estero ay nilamon at pumailalim sa tiyan ng Haring Tubig. Sa gitna ng delubyong ito na mistulang pinagplanuhan ng mga Hari, isang maliit na parte ang natira. Malayo ito sa ilog at estero-- dahil dito, hindi na ito naabot pa ng gahamang Haring Tubig. Malayo ito sa paanan ng bundok-- hindi na ito natapakan ng mapagpaimbabaw na Haring Lupa. Sentro ng kaunlaran ang bahaging iyon, at dahil dito ay hindi na nagawa pang itumba ng mayabang na Haring Hangin ang mga nakatayo rito.
Kumulog ng malakas at nagpatuluy-tuloy ito. Sa bawat pagsigaw ng Haring Langit ay napipipi ang iba pang Hari ng ilang sandali. Kumidlat ng napakalaki at sunud-sunod itong nangyari. Sa bawat kumpas ng kanyang panulat sa langit nahahayag ang gawa ng paghihiganti ng kalikasan sa sanlibutan. Hindi pa tapos ang pagsugod ng kalikasan. Ang dating pirma ng Haring Langit sa kanyang nasasakupan, dumikit na sa lupa. Ginising ng kanyang kumpas sa lupa ang isa pang Hari sa Kalikasan: ang Haring Apoy, na nagpagamit ilang sandali lang bago siya magngalit sa mga naninirahan doon, gaya ng iba pang Hari. Nang gabing iyon ay winawasak niya ang pinaghirapang buuin at itayo ng mga tagaroon, gaya ng iba pang Hari.
Nawasak ang natitirang bahagi ng lugar dahil sa gutom ng Haring Apoy. Maski ang ilang mga panaka-nakang nakakaligtas ay kinain niya na rin. Napagod na ang mga Hari at unti-unting huminahon. Pabugsu-bugso na lang ang Haring Hangin. Nakatulog na ang Haring Lupa. Naglalaro na lang ang Haring Tubig at nagpapakasasa sa luha ng Haring Langit na naghihinagpis sa ginawa ng tao sa pamilya niya. Ang Haring Apoy ay umuubu-ubo na at unti-unting namatay, naghihintay sa oras na muling siyang buhayin mula sa pagkakahimlay.
Lumalakas ang ulan ngayong tanghali. Nagbabadya ang Kalikasan sa muling pagsalakay.
No comments:
Post a Comment