Saturday, August 13, 2011

Gawing Kutsilyo ang Buto ng Manok

"BINATA, TINUHOG NG BUTO, PATAY"

(Kahapon)

Papasikat pa lang ang araw nang lumuwas si Rene sa probinsya upang surpresahin ang kasintahan sa Maynila sa pagdalaw niya. Masayang bumiyahe ang binata dahil sa naiisip nitong mga reaksyon ng nobya niya kapag nagkita na sila sa dormitoryo nito. Bitbit niya ang paboritong pagkain ng dalaga bilang pasalubong: isang buong piniritong manok na siya mismo ang nag-marinade at nagluto.

Mausok at mainit. Ibang-iba ang pinanggalingan niyang probinsiya sa siyudad. Kung mayayabong na puno't halaman ang bumabati sa kanya araw-araw sa probinsya, mayayabang na gusali at mukha ng pulitika ang sumasalubong sa kanya sa Maynila. Sa bawat oras na nagdaraan, dumarami ang nakikita niyang tao sa paligid, at lumalaki ang bilang ng sasakyang nakikipaggitgitan sa bus kung saan siya nakasakay.

Limang oras na byahe, sa wakas! Nakarating siya sa gusali na tinituluyan ng kanyang iniirog. Tinawagan niya sa cellphone ang dalaga bago man lang magpakita.

" Hon? Bakit ka napatawag? " bungad ng dalaga
" 'La lang, na-miss lang kita, " sagot ng binata
" 'Kaw talaga, sige, maya ka na lang tumawag, busy kasi ako ngayon, "
" Nasa dorm mo ba ikaw? "
" Wala po, nasa school po ako, "

Sumilip sandali si Rene sa gate, at nagulat siya nang makita ang nobya sa tapat ng kwarto na nasa ikalawang palapag ng dormitoryo.

" Talaga bang nasa school ka? " tanong ni Rene sa tonong nag-aalinlangan
" Hala, ayaw mong maniwala-- " biglang naputol ang koneksyon ng tawag ni Rene. Sumilip ulit ang binata upang makita kung nasa sa labas pa rin ang dalaga. Nasa labas pa nga. Ang kingulat niya lang ay ang isang lalaking nakagapos ang mga braso paikot sa baywang ng kasintahan niya. Hinintay niyang bitawan ng lalaki ang dalaga at hindi naman siya nabigo sa paghahantay. Bumitaw ang lalaki, kaso ang dalaga ay humarap sa lalaki at binigay ang isang bagay na si Rene lamang dapat ang tumanggap. Hindi na nagawa pang tumingin ni Rene sa nangyari.

Ilang sandali ang lumipas, matapos siyang mahimasmasan ng kaunti, makahinga ng malalim, at makapikit ng saglit, unti-unti niyang inabot ang bukasan ng gate at dahan-dahan itong pinihit. Nakita niyang nakatingin sa kanya ang nobya niyang hindi makagalaw sa pwesto at ang lalaking hindi maipinta ang reaksyon. Dahan-dahan ang malalaking hakbang ni Rene paakyat sa dalawa. " Hon, " sabi ng dalaga, " magpapaliwanag ako, " pero walang pakialam si Rene sa sinabi ng dalaga. Mula sa bag niya, hinugot niya ang plastik na naglalaman ng pritong manok na pasalubong sana niya. Pwersahan niyang pinutol ang isang binti ng manok at ibinagsak na ang iba. Pinandilatan niya ng mata ang lalaki. Kinagat niya ng mariin ang malamang bahagi ng binti at binali ang binti. Natanggal ang laman ng binti, at sumama rito ang apat niyang ngipin-- tatlo sa baba, isa sa taas. Ang nabaling binti ay naging matulis na kasangkapan. " Teka, " sabi ng lalaki " pare, lamig lang, " habang nakaakmang sumasalag. Bago pa ulit ibuka ng lalaki ang bibig niya, binaltak niya ng malakas ang kaliwang braso nito. Humaba nang ilang sentimetro ang braso ng lalaki dahil humiwalay ito sa balikat niya. Mabilis ang mga pangyayari. Bago pa lang mararamdaman ng lalaki ang sakit ng bali sa balikat, nakatuhog na ang matulis na buto ng manok sa kaliwang sentido niya, na mabilis na bumawi sa buhay niya.

Sumirit ang dugo. Napasigaw ang dalaga. Kasabay ng pagtangis niya ang pagbagsak ng bangkay ng kulasisi niya sa sahig. Nagtawag na ng mga opisyal ng baranggay at pulis ang ilan sa mga nakasaksi; ang karamihan, walang ginawa.

Isinara ni Rene ang talukap ng namumuting mata ng kalaban gamit ang kaliwa niyang hinlalato't hintuturo, at tsaka niya pinisa ang mga mata nito. Lumipad ang isipan niya... ang pagbalik ng ulirat niya, nasa presinto na siya at iniimbestigahan. Narinig niya mula sa bibig ng pinakamamahal niyang babae ang mga pinakamasasakit na pagtanggi na naranasan niya sa buhay niya: " Hindi ko s'ya boyfriend, " "Obsess lang s'ya sa 'kin kaya akala n'ya kami, " " Hindi ko s'ya minahal... "

Natapos ang lahat. Pangarap. Pag-asa. Pagtitiwala. Pagmamahal. Bago tuluyang lumisan ang dalaga sa presinto at buhay niya, nakita niyang tinignan pa siya nito. Batbat ng marka ng kasinungalingan ang mukha, nguni't ang mga mata nito'y nagpapahiwatig ng masidhing pagsisisi at paghingi ng tawad.

Dahil minor de edad, inilipat si Rene sa institusyon para sa mga batang naligaw ng landas. Sa kaniyang kwarto, tulala siyang nakatitig sa mga daliri sa kanyng mga paa. Unti-unti niyang ginalaw ang ulo niya. Kasabay ng pag-angat ng tingin niya upang tignan ang ilaw ng bumbilya sa kisame ng kaniyang kwarto, bumagsak ang naipon niyang luha. Sa isang saglit, nailabas niya ang lahat ng nagtatagong hinagpis, lungkot, at galit.

Pumikit siya at matamis na ngumiti.

No comments:

Post a Comment