***
"Hindi kita anak!"
Lagi na lang...
WALA NA BA AKONG KARAPATANG MAGING MABUTING ANAK?!
GINAWA KO NA 'NG LAHAT PARA MAGING MABUTI SA PANINGIN N'YO!!!
KASALANAN KO BA KUNG HINDI AKO KASING TALINO NI ATE?!
KASALANAN KO BA KUNG HINDI AKO KASING GALING NI KUYA?!
KASALANAN KO BA KUNG MAY SAKIT NA HINDI MAWARIAN SI EUGBERT?!
LINTIK NA PAMILYA 'TO!
Wew, magtatanghali na pala. Hindi ko na nagawa yung trabaho ko dito tuwing umaga: ang pakainin si Eugbert. Ano kayang tawag sa sakit nitong batang 'to? Ayaw sabihin sa 'kin nila mama kung bakit ganyan s'ya, o kung tao ba 'to. Nakakahawa kaya sakit nito? Sana nga, para man lang 'pag nahawa ako, alagaan nila ako. Pero, ayoko namang may kung anu-anong tumutulo sa ilong at tenga ko. Kadiri kaya.
Magtatanghali na. Sino kayang nagpakain sa batang 'yon? At himala, hindi pa nila ako ginagambala para magpatae kay Nguso. Walangyang aso 'yan, nanira na naman ng notebook, yung Math pa! Teka, tignan ko muna kung iniwan na nila ako para mamuhay ng mag-isa.
***
Tapos na 'kong maglaba. Bago 'yon, pinaghugas muna ako ng pinggan, pinagwalis, pinaglinis, pinabili ng gamot ng mamamatay ko nang lolo, at pinakain si Eugbert. Hindi pa pala ako ligtas. Talagang hinintay nila na ako ang magpakain sa batang 'yon. Haay. Pakiramdam ko, kung wala ako sa bahay na 'to, magiging busabos ang ambiance dito e. Wew, busabos at ambiance. May natututunan pala ako sa school.
Nakakatamad nang magsulat. Hindi ko alam kung bakit pinagtyatyagaan ko 'to. Dahil kaya kailangan ko ng matinong kausap at ang nakita kong makakinitindi sa 'kin ay sarili ko? Wala na nga akong pamilya, wala pa kong mga kaibigan. Haay, ang ganda ng buhay!
***
Paglaki ko, gusto kong makatapak sa buwan! 'Yun na lang ata nagpapasaya sa 'kin. Pakiramdam ko, laging nakatingin sa 'kin 'yon at nagbabantay. Ano ba 'yan! Kahol nang kahol na naman si Nguso. Nakakainis na mga nangangaroling 'yan. Oportonista mga lintik. Ewan ko ba. Ano bang maganda sa pangangaroling? Tsk, porke't wala akong karanasan sa mga ganyan...kainis.
Ang lungkot pala ng buhay ko. Ahehehe, parang hindi ko alam e 'no? Ahahaha, tawa na lang.
***
Sumasakit na naman ulo ko. Hindi pala talaga ako kabilang sa pamilyang 'yon. Kaya pala kung murahin ako d'on e parang hindi nila ako kapamilya. Hindi pala talaga. Sakit sa ilong ng pag-iyak. Ano ba 'yan, sa lahat ata ng lalaki, ako pinakamadalas umiyak. Pero, siguro kung sila nasa kalagayan ko, magbibigti sila. Ahahaha, matibay pala ako. Sanay lang talaga ata.
Lintik na lolo 'yan, pinagmumumura na naman ako. Kinupit ko raw 'yung lintik n'yang sukli at mali pa raw ang nabili kong lintik na gamot para sa lintik n'yang sakit. Pinamukha na naman n'ya na sampid lang ako sa pamilyang 'to. Hindi ko naman hiniling na tanggapin nila ako. Gusto kong makita 'yong walang kwenta kong mga magulang. Baka sakaling magkaroon ng kulay ang buhay ko sa mundo.
***
Hmm, natahamik ata ang bahay. Syempre, wala na ako sa loob! Ahehe. Kala siguro nila, hindi ko kayang gawin ang mga ginawa ko kanina. Haay, pero pinalayas na nila ako. Ahehehe, tawa na lang. Nakapag-iwan ako ng sulat sa taas nung tv nila. Minura ko silang lahat!!! AHAHAHA!!! Ang baho dito sa inuupuan ko. Kaamoy ni Eugbert.
Pero, natakot ako kanina. Hindi ko pa nakikitang gan'ong magalit si papa, ay, tito pala. S'ya pa nagpalayas sa 'kin. Nagulat ako, akala ko kasi si mama o si lolo magpapalayas sa 'kin. Ano ba 'yan, naalala ko na naman 'yung mukha ni mama. Nakakatawa. Nakakinis.
***
Nag-umpisa lahat n'ong pinagngudnguran sa 'kin ng maanyo kong mama sa 'kin na hindi n'ya ako anak at wala s'yang anak na pang ibang planeta ang ugali. Pero, may anak naman s'yang taga-ibang planeta talaga. Ahaha. Kala ko, expression lang n'ya talaga na sabihing hindi n'ya ako anak. Totoo na pala. Tsk. Bakit hindi nila sinabi sa 'kin kagad? Kaya pala gan'on na lang ang turing ni mama sa 'kin. Ang lamig. Napakalamig. Mamatay na sana s'ya.
***
Nagising ako kanina na iba na ang nasa paligid ko. Marumi, pero hindi na masyadong mabaho. May kumuha pala sa 'kin sa lansangan. Ahehehe, may mababait pa pala sa mundo. Bakit ba hindi ko sila kagad nakilala?
***
Unang beses akong magpapasko. Hindi kasi ako nagpapasko sa amin. Sino ba namang gaganahang kumain kung aalilain ka muna bago ka makatikim ng medyo masarap na ulam? Kainis sila. Haay, buti pa dito. Kahit sindikato at pinaglilimos ka sa kalye para may kita sila, pinapakain naman kami ng matino. Ang sarap pala ng sardinas.
***
Grabe sila. Ayoko na dito. Mas gusto kong inaalila kesa pinapaso. Aray!! Masakit pa rin. Para akong may frat.
***
Ibang klase tao dito. Lalo na yung matabang yon! Nakakainis, ang hapdi pa rin nung paso sakin. Sana hindi na dumating yung kahapon. Tsk, may kinuha na naman samin. San ba sila dinadala? kailan kaya nila ako kukunin?
***
Napasubo na. Nakapatay ako ng isa sa kanila. Hindi ko sinasadya. Sinasaktan nila mga kaibigan ko dito. May dugo pa rin sa mga kuko ko. Anong ginawa ko?
***
Lalalalala. Ang ganda ng bwan,,
***
***
***
No comments:
Post a Comment